Sa anticipated mass pa rin kami nagsimba ni mommy sa St. William’s Cathedral ng 7pm. Bago mag-umpisa ang misa ay siniguradong kong nakakain ako dahil buong araw na wala akong kinain… Mahirap na ang walang laman ang tiyan habang nagsesermon si father, dahil baka hindi ko ma-absorb ang kanyang mga mensahe. Hehe! Kaya kumain na muna kami nila Dianne at Ate Rachelle sa KFC. Nang matapos na kaming kumain ay mga 6:30pm pa lang ata iyon, naghiwalay na kami dahil uuwi na sila.
Magkikita na lang kami ni Mommy sa simbahan kaya tinext ko siya na medyo agahan niyang dumating para magandang pwesto ang aming maupuan dahil madami din ang nagsisimba sa anticipated mass, puno ang pews at dahil dun medyo marami ang mga nakatayo tuloy. Kaya pumunta na ako sa simbahan kahit wala pang mga 7pm at hinintay si mommy sa labas. Medyo kinukulit ko na nga si mommy sa text dahil baka mawalan kami ng maupuan. Nakita pa tuloy ako ng ilan sa mga kamag-anak namin habang naghihintay, at kinantsawan pa ako na may ka-date daw, hay naku! Todo paliwanag naman ako na si mommy ang hinihintay ko… Mga ilang minuto ang nakalipas at dumating na din si mommy. Pumasok na kami at nakahanap din ng mauupuan. Hinintay na namin na mag-umpisa ang misa…
Gaya ng misa kahapon ay marami ang mga nakimisa. Kakaiba pa ang klima ngayong gabi dahil malamig ang simoy ng hangin, malapit na nga talaga ang Pasko! ;D Kaya giniginaw tuloy ako, hindi tulad kahapon na mainit. Kasabay ng misa ay may malakas na kantahan at tugtugan sa plaza kaya hindi masyadong maintindihan ang misa, habang nagsesermon si father ay naririnig mga kanta nila Lady Gaga, Bruno Mars, atbp. Malamang nakakairita, sana man lang ay hindi sinasabay ang misa at ang palabas sa plaza. Parang gusto ko na lang mag-simbang gabi ng madaling araw dahil tahimik.
Ang tinalakay sa sermon ni father ay si Joseph, ang ama ni Kristo. “Foster father” pala ang pagtukoy sa kanya, dahil si Kristo ay nabuo sa pamamagitan ng “Immaculate Conception”. (Kunwari ngayon ko lang yan nalaman…) Naaalala ko tuloy noong bata pa ako, nagtataka ako noon kung bakit dalawa ang ama ni Baby Jesus. Hmmm…
Mayroon palang nangyari kanina habang nagmimisa, na hanggang ngayon ay hindi pa rin maalis sa aking isipan… Yung misa kahapon may mga nakasabay kaming mga cute na mga batang lalaki, at kanina nandoon na naman sila. Yung isang bata, mga 3 o 4 taon gulang, tapos yung mas bata mga 2 o 3 taong gulang. Hindi sila magkaano-ano pero naging magkalaro sila. Nakakatuwa, at mapapansin mo talaga na ang mga bata madali lang makipagkaibigan. ;D Ang nangyari na hindi ko pa rin nakakalimutan ay iyong ginawa nung mas bata. Bale ganito yung nangyari, “nangapitbahay” siya sa ibang pew dahil may batang babae doon, tapos nakuha ang kanyang atensyon nung maliit na bag nung batang babae. Alam naman natin na ang mga bata kung ano-ano na lang ang mga pinaggagawa, kaya itong batang ito ay bigla na lang gumapang sa sahig na parang sanggol. Hindi ko napigilang matawa dahil nakakatawa yung itsura niya tapos ang cute cute pa talaga niya. Nung nakita pa ni mommy yung ginawa ng bata, ang sabi niya “Diyos ko, Diyos ko”. Mas lalo pa akong natawa sa reaksyon ni mommy. Pero siyempre sinita na yung bata ng kanyang nanay lalo pa’t ang dumi ng sahig. Sana makita ko ulit sila bukas. ;D
Kanina din nagkaroon ng konting bloopers yung choir sa kantang “Lamb of God” ata yun… Hindi naman “major major”, medyo nawala lang naman sila. Magaling naman sila eh…
Haha! Ano ba yan ang dami ko na palang nakwento tungkol sa misa kanina, kaya hanggang dito na lang muna. Sa susunod na misa ulit. ;D
Posted on Friday, 17 December 2010
Pangatlong Misa ng Simbang Gabi
1 note
-
girl-eats-boy posted this
